Wednesday, September 29, 2010

Tatlong Kuwento ng Buhay ni Julian Candelabra

"Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran at ang buhay ng masama ay huwag mo nang tularan. Kasamaa’y iwasan mo, ni huwag lalapitan, bagkus nga ay talikuran mo at tuntunin ang tamang daan."
- Kawikaang Pilipino

Nakagisnan ko ang maikling kwentong ito noong ako ay nasa ika-apat na taon sa mataas na paaralan sa asignaturang Filipino sa pagtuturo ni Gng. Eleanor B. Aguinaldo. Ito’y naglalarawan ng kahinaan ng tao na magpadala sa tukso upang gawin ang mga bagay na hindi nila ninais. Ang nasabing maikling kwento ay makikita sa mga aklat-pampaaralan, tulad ng Dagitab IV (Binagong Edisyon) na sinulat nina Ligaya Bernales-Cion at Aida Marquez Guimarie.

Ang nasabing maikling kwento ay isinulat ng batikang manunulat na si Lualhati Torres Bautista-dela Cruz, ang siya ring may akda ng mga kilalang nobela na ginawang pelikula tulad ng Bata, Bata, Paano ka Ginawa?, GapĂ´ at Dekada '70. Itoy nagtamo ng unang gantimpala sa maikling kwento sa Gawad Palanca noong 1981-1982.

Sa pagtatapos ng kwentong ito, dinugtungan ko ang maikling kwentong dahil ito ay may kinalaman sa mga napapanahong usapan. Nariyan ang mga isyu tungkol sa pandaraya ng kapwa, hindi inaasahang pagkakaroon ng anak sa murang edad, pagkalulong ng isang tao sa mga masasamang bisyo at pagnanakaw. Mga bagay na hindi maganda, ngunit nagagawa ng isang pangkaraniwang tao dahil sa tukso.

Narito ang Tatlong Kuwento ng Buhay ni Julian Candelabra.

Tatlong Kuwento ng Buhay ni Julian Candelabra
Ni Lualhati Torres Bautista-dela Cruz

Siya, si Julian Candelabra, ay anak ng isang mag-asawang bagama’t mahirap, kung ipagsabi nga ng tatay niya, ay nabubuhay nang "marangal." Gano’n may natuklasan ni Julian na mahirap mabuhay nang marangal kung gutom ka, o, sa kaso niya bilang isang bata, kung marami kang kailangan na hindi mo mabili. Lalo na kung mapera ang kalaro mong si Bong at pinakikitaan ka ng cash ng ina nitong si Aling Sandra.

Totoo, 'di-hamak na mas mabuti na si Aling Sandra kung ihahambing sa iba pa nilang kapitbahay. No’ng mga panahong ‘yon na kokonti pa lang ang may TV, ni hindi siya pwedeng sumilip-silip sa bintana ng iba para manood ng Popeye... paniguradong magsasara ng bintana ang iba! Pero pinatutuloy siya ni Aling Sandra, pinauupo sa tabi ni Bong, at pinapayagang manood hanggang sa takdang oras na magpapatay na ito ng TV.

Kung sa bagay, katwiran siguro ni Aling Sandra, nauutus-utusan naman siya nito, pero makatarungan si Aling Sandra kahit sa pag-uutos. Kadalasang binibigyan siya nito ng pabuyang singko o diyes sa bawa’t maliit na bagay na ipagawa sa kanya.

"Julian, samahan mong bumili sa botika si Bong," sasabihin sa kanya ni Aling Sandra, at sa harap niya’y magbubukas ito ng kahon ng platera at huhugot ng pera sa pitaka. Sa harap niya, walang pangiming ililitaw ni Aling Sandra ang mga sasampuin nito’t de-beynte. "Aba, sisenta pa pala ang pera ko dito! O, ito nang sampu ang dalhin n'yo, Julian. Ikaw ang maghamak, ha? Baka maiwala ni Bong."

Siguro, dahil kaibigan siya ni Bong kaya magiliw sa kanya si Aling Sandra. Tingin niya, gusto ni Aling Sandra basta hindi pinapatulan si Bong. At pag may lakad si Aling Sandra, iiwan nito sa bahay si Bong, basta kasama siya. Dalawang taon lang ang tanda niya kay Bong, pero itinuring na siya ni Aling Sandra bilang isang mapagkakatiwalaang tagapag-alaga.

Naiiwan siyang mag-isa ni Aling Sandra sa sala nito. At ando'n lang bukas, ang platerang pinaglalagyan nito ng pitaka. Siguro’y may kausap sa labas si Aling Sandra at nasa kasilyas sandal si Bong, at nag-iisa siya sa sala, malapit sa bukas na platerang kinalalagyan ng pitaka ni Aling Sandra. Sa paulit-ulit na pagkakataong nangyari iyon, natantiya niya na may sapat na panahon para makasalisi siya sa platera at makapangupit sa pitaka ni Aling Sandra.

Gustong-gusto niyang makabili ng mga sisiw. Gustong-gusto niyang mag-alaga ng mga sisiw hanggang sa maging manok. Tamang-tama, manok na ang mga sisiw niya bago mag-bertday ang tatay niya. May maihahanda na ang tatay niya. At matutuwa na ang tatay niya sa kanya maski pa’no. napakahalaga sa kanya na matuwa sa kanya ang tatay niya maski pa’no.

Ang problema, walang-awala siya. Walang-wala siya samantalang ando’n lang, at kadalasang hindi kuwentado ang pera ni Aling Sandra.

Hindi lang nila alam kung pa’no nililindol ang dibdib ni Julian nang gawin 'yon. Hindi lang nila alam kung ga’no kadesperado ang pagtawag niya sa Diyos, pero may ugaling magbingi-bingihan ang Diyos kung minsan. Eksaktong ibinabalik niya sa lugar ang pitaka ni Aling Sandra nang bigla itong pumasok. Namakas sa mukha nito ang pagkagulat, na may halong pagkagalit.

"Julian, ano'ng ginagawa mo?"

Wala siyang naisagot. Namutla lang siya. Nanlata lang. hindi makakibo kahit nang kapkapan siya ni Aling Sandra at makuha ang sasampuin sa bulsa niya.

Gulping walang hunmpay ang inabot ni Julian sa tatay niya nang magsumbong si Aling Sandra; walang nagawa maski ang nanay niya kundi magtititili't mag-iiyak. May latay siya hanggang mukha, napaihi sa sakit, halos hindi makabangon sa hirap. Akala talaga niya, papatayn na siya ng tatay niya. At sa musmos na isip niya, natanim ang matinding hinanakit na hindi inunawa man lang ng tatay niya ang dahilan para niya magawa iyon:

"Gustung-gusto ko lang pong makabili ng sisiw! Tatay, natukso lang po ako! Hindi ko lang napigilan ang sarili ko!"

Hindi na nakpasok pa si Julian sa bahay ni Aling Sandra o sa bahay ng kahit sino pa man – mula noon. Matagal bago nakalimutan ng mga tao ang nangyari. Ang totoo, paulit-ulit nilang pinag-usapan ang tungkol do’n, kasama ng ilingan, ng mga salitang tulad ng, "kung anak ko ‘yan, hindi lang ganyan ang aabutin niya sa 'kin," at "naku, h’wag mong pabayaang magsasama riyan ang anak mo, mare! Baka pati anak mo, matuto!"

Isa ma'y walang nakaisip na baka napapahiya rin siya.

Matagal-tagal ding pinangilagan ng mga tao si Julian. Hindi nila alam, nangilag din si Julian sa kanila. Kung natatakot silang mawalan sila, natatakot din si Julian, dahil alam ni Julian na may tatak na siya, masama na’ng tingin sa kanya ng tao, at ‘pag may nangyaring aberya diyan ay wala nang pagbibintangan kundi siya.

Ilang taon na ang nakaraan ay takot pa rin si Julian na magpapasok sa bahay ng may bahay. Disisyete na’t lahat si Julian ay nasa kanya pa rin ang pilat ng malubhang pangyayaring ‘yon na nagbunga sa kanya ng malalang pagkailap.

"Hus, ikaw naman... para kang aanuhin nang aanuhin!" kung sabihan nga siya ni Aling Connie na asawa ng biyaherong si Mang Felix. "Aba, Julian, kung lilinisin mo 'yong kanal sa likod-bahay ko, wala kang ibang dadaanan kundi rito sa loob!"

Madalas nga siyang tawagin ni Aling Connie. "Julian, pakikabit mo nga ang daylight ko, o! Julian, pumutok ang fuse namin, pakitingin mo nga!" Kung takbo siya agad sa bawat utos ni Aling Connie, taboy iyon ng abot-langit na pangangailangan niya, sa kabila ng lahat, sa kawalan ng tiwala ng kapwa-tao.

"O, kunin mo na ‘tong limang piso, Julian... panigarilyo mo man lang."

"N-naku, hindi ho ako naninigarilyo!"

"O, e 'di pang-meryenda mo. Masama naman ‘yong utos ako nang utos sa 'yo, wala man lang pabuya. Abuso na ang tawag d’on."

Nahihiya pa rin siya... tama na sana sa kanya ‘yong magiliw sa kanya si Aling Connie... pero mahalaga pa rin sa kanya ‘yong limang piso kung tutuusin lalo na ngayong gagradweyt siya sa haiskul, at marami pa siyang utang sa eskwelahan.

Minsa’y hinanap uli siya ni Aling Connie.

"Julian, tulungan mo nga ako."

"Bakit ho?"

Nakatawa si Aling Connie. "Maniniwala ka, nai-locked ko ang sarili ko sa labas ng bahay? Alam mo naman ‘yong pinto naming, ‘pag nalimutan mong bitbitin ‘yong susi paglabas mo, patay ka na. wala pa naman dito ang Mang Felix mo."

"E, pa’no ho ang gagawin ko?"

Magbaklas ng jalousy sa bintana ng may bintana, sa kalaliman ng gabi? Naku, nakakatakot! Baka mapagkamalan siyang magnanakaw! Baka barilin siyang bigla!

Sansaglit na nag-alala pa si Julian nab aka pakana lang ito ni Aling Connie, nab aka gusto talaga nitong ipahamak siya.

"H'wag kang mag-alala, nakabantay naman ako," sabi ni Aling Connie. "Hindi kita iiwan habang tinatanggal mo ‘yung jalousy."

Alanganing pa rin siya pero naisip niya: hindi naman siguro siya paplanuhan ng masama ni Aling Connie. Wala naman siyang atraso dito.

Nabaklas at naibalik niya ang jalousy ay wala namang nangyaring aberya.

"O, huwag ka munang umalis," pigil ni Aling Connie nang nagpaalam na siya. "Dito ka muna kumain."

"N-naku, h'wag na ho!"

"Bakit hindi? Nakaluto na 'ko. Ang totoo, maghahain na 'ko nang tumawag ang Mang Felix mo kanina para sabihing bukas na siya makakauwi. Kaya nga nasa labas ako, e... nagpapalipas ako ng sama ng loob."

Gutom na rin siya. Isa pa, parang walang masabi sa kanya si Aling Connie. Ngayong tiwalang-tiwala na it sa kanya, ingat na ingat naman siyang may masabi sa kanya ito.

"Salamat naman, sinaluhan mo ko," sabi sa kanya ni Aling Connie nang kumakain na sila. "Hindi mo lang alam, napakaimportante sa akin 'yong may makasalo 'ko sa pagkain. Alam mo, madalas, naiiyak talaga 'ko sa lagay ko. Magluluto ako ng ispesyal, tapos... tatawag sa 'kin ang Mang Felix mo para sabihin bukas na siya uuwi!"

Lumalaki ang pakiramdam niya. Hindi lang siya pinakikitunguhang mabuti ni Aling Connie; nagsasabi pa rin sa kanya ngayon ng mga nararamdaman nito!

"Balik ka, ha, Julian? Minsan, 'pag wala ang Mang Felix mo, para may makausap ako!"

Hindi niya maintindihan kung bakit siya pa, isang kabataang ni hindi naman sasabihing matalino, ang gustong kausap ni Aling Connie, pero walang halaga sa kanya ang mga bakit. Tama na ‘yong tinatrato siyang parang kaibigan ni Aling Connie; na nakakadama na siya ngayon ng importansya, kaya nang salubungin siyang minsan ni Aling Connie sa daan para sabihing, "Halika sa bahay mamaya; wala ang Mang Felix mo," walang pag-aatubiling nagpunta siya.

Ang seksi-seksi ni Aling Connie nang dumating siya. Nahihiya tuloy siyang tumingin sa dibdib nito. Baka sabihin pa ni Aling Connie, bastos siya. Nakatungo tuloy siya lagi, pero nakatawa si Aling Connie, tinutukso siya: "Ba't ba hindi ka mag-angat ng mukha riyan?" sabi sa kanya. "Wala ka namang uling a! O, may tipo ka naman... hindi naman nakakahiyang ipakita 'yang mukha mo. Julian, lumapit ka nga. Ba’t ba parang mailap ka sa ‘kin?"

Pinawisan tuloy siya nang malapot. Nagtangka tuloy siyang magpaalam na. "E, A-aling Connie...!"

"Halika sa tabi ko, Julian. Sus, h'wag kang manginig! Ano ka ba, para nahawakan ka lang...! Lalaki ka, babae 'ko... walang masama rito, Julian, pwera na lang kung bakla ka?"

"H’wag, Aling Con–"

"Hahaha! H'wag kang matakot, ako'ng bahala. Hmm, 'yan ang gusto ko sa lalaki... 'yong talagang amoy-lalaki!"

Pagkatapos n'yon, tinanong niya ang Diyos: "Diyos ko, ba’t ko nagawa 'yon?" At minsan pa, ang katwiran na ginamit din niya no’ng kasalukuyang nilulumpo siya ng tatay niya, may limang taon na ang nakaraan: Natukso lang po ako! Hindi ko po napigilan ang sarili ko.

Gusto niyang pumunta kay Mang Felix para sabihing, "Natukso lang po ako; hindi ko po napigilan ang sarili ko..." pero kasabay nito, takot na takot siyang malaman ni Mang Felix na may nangyari sa kanila ni Aling Connie komo natukso siya, komo hindi napigilan ang sarili niya.

Masasalubong niya sa daan si Mang Felix, at halos hindi na siya makahakbang sa matinding pangangalog ng tuhod niya. Alam na kaya ni Mang Felix? Diyos ko, natuklasan na kaya ni Mang Felix? Tatanguan siya ng pagbati ni Mang Felix at lalo siyang manlalata, ngayo’y sa ginhawang bigay ng kaalaman na hindi pa alam ni Mang Felix.

Hinahanap daw siya ni Mang Felix! At sagad-kaluluwa ang nerbyos na aalipin sa pagkatao niya. Alam na kaya ni Mang Felix? Diyos ko, natuklasan na kaya ni Mang Felix? Iyon pala, uutusan lang siya ni Mang Felix at manlalata na naman siyang lalo sa pagkatuklas na so far, hindi pa nito alam.

Pero minsan, naiisip niya, mabuti pa ngang malaman na ni Mang Felix kaysa naman kakaba-kaba siya lagi. Mabuti pang malaman na ni Mang Felix para maparusahan na siya kung parurusahan siya, para matapos na’ng pag-aalala niya.

Pero siyempre naman, a, hindi na 'yon ikukuwento ni Aling Connie. S'yempre naman, hindi na ‘yon malalaman ni Mang Felix. Pagkaraan ng ilang araw, naisip niyang nakalusot na siya at wala siyang dapat alalahanin, kaya nang puntahan siya ni Mang Felix isang hapon ay lumabas siya nang walang pag-aalala.

Bahagya na niyang nailagan ang tagang inunday sa kanya ni Mang Felix. Matalim ang murang lumabas sa bibig nito, malagim ang tili ng nagimbal na ina niya, mabalis ang pagkakagulong namayani sa palibot, at nangibabaw sa isip niya ang iisa’t matingkad ng utos ng sarili: Takbo, Julian, papatayin ka! Takbo!

"Papatayin kita, papatayin kita, ahas!"

Wala, nang pagkakataon para sabihin niya kay Mang Felix na, "Patawarin n’yo po ako. Hindi ko lang po napigilan ang sarili ko!" nagtago nang mahigpit si Julian pagkatapos ng pangyayaring 'yon. Kahit nang mabalitaan niya na hindi na naman daw siya hinahanting ni Mang Felix, patuloy siya sa mahigpit na pagtatago. Magising-makatulog si Julian, balisa siya. Hindi siya matahimik sa pag-aalala na matagpuan siya ni Mang Felix.

Hindi rin siya matahimik sa katiyakan nagalit na galit ngayon sa kanya ang tatay niya.

Pero hindi rin siya matahimik sa kaalaman na nag-aalala ang nanay niya kung nasa'n na siya ngayon.

Naisip ni Julian: maski istrikto ang tatay niya, iba pa rin 'yong may bahay ka maski pa'no: 'yong hindi ka kumpletong nag-iisa sa buhay. Sa huling suma, hindi katumbas ng maikling sarap sa piling ni Aling Connie ang parusa ng sariling dinaranas niya ngayon.

Tulad ding hindi halagang sampung piso ang gulpi’t kahihiyang inabot niya no’ng magkamali siya bilang bata, naisip ni Julian.

Hindi na 'ko uulit, pangako ni Julian sa sarili. Magpapakabait na ‘ko. Pinasok niya lahat ng trabaho para kumain. Nagtulak siya ng kariton sa palengke, naglinis ng bus sa terminal, nagtawag ng pasahero ng biyaheng Sangandaan, nag-ahit ng mga patay na baboy sa matadero... at nang 'di na nakatiis – mas sa lungkot kaysa sa hirap – umuwi siya para humingi ng tawad sa tatay niya.

"Tungkol po do’n sa nangyari no'n 'tay..."

Maagap na ipinalis ng tatay niya sa hangin ang butuhang kamay. "H'wag mo nang banggitin pa sa 'kin 'yon. Walang paliwanag na makapagbibigay-katwiran sa kalokohan mo. Maliit ka pa man, hindi ka na mapagkatiwalaan."

Parang sinaksak ang dibdib niya sa salita ng tatay niya. Napatungo siya.

"Oo, malaki ka na ngayon... hindi na kita mapapalo," malungkot na dugtong pa ng tatay niya. "Pero sana, h'wag mo naman akong masyadong nakawan ng dangal. Ayokong sa bandang huli'y manghinayang ako na naging anak kita."

Umalsa ang panghihimagsik sa loob niya. Nag-angat siyang bigla ng mukha para sumago, pero pagtama ng mata niya sa mukha ng ama, nakita niya ang kasinungalingan ng mga salita nito.

Kelan lang siya umalis, bakit tumanda na nang ganito ang tatay niya? Na para bang nag-alala rin sa kanya 'to maski pa'no. sa likod ng matalim na dila nito’t malupit na kamay, naisip ni Julian, mahal din siya ng matanda.

Nakaramdam ng awa si Julian sa tatay niya. Mahirap ding maging ama, naisip pa niya.

Si Julian, pagkaraan ng matagal din namang pangangapa at pagpupursige ay nagdesisyong maging waiter. Hindi naman kababaang trabaho ang waiter, bukod pa sa malaki raw ang kita. Aba, masama pa ba ‘yong maka-tip ka piso-dalawang piso bawa’t mesa? Sus, lalo na kung sa bigating hotel ka mapapasok!

Paghahanda sa opisyong nasabi, pumaloob sa isang puspusang seminar si Julian sa pagtataguyod ng isang employment agency, na nagturo sa kanya at mga kaklase ng ilang importanteng bagay sa pagseserbisyo, tulad ng kagandahang asal at makasining na pagdadala ng mga pinggan. Nang makapasa, kabilang siya sa mga agad ikinuha ng ahensya ng trabaho.

Siyempre't baguhan, temporary waiter lang muna ang ranggo niya. Okey na rin dahil, kita n’yo, sa primera-klaseng hotel-restoran naman siya napunta. Wala smalinaw na usapan sa sweldo, hindi rin niya alam kung ilang porsyento ng kita niya ang "tatagain" ng ahensiya, pero wala naman siyang reklamo sa tip. Isa pa, paniwala niya no’ng bagong salta pa lang siya, okey naman ang tsibog. T'yak na lalaki ang katawan ko, 'nay, sa nagkalat na pagkain sa kusina!

Hindi niya akalain, patakaran pala sa restorang ‘yon ang bring your own baon!

"Ho? Ibig n’yong sabihin, hindi libre ang pagkain, ma’am?"

Tumaas ang isang kilay ng istriktong si Ma'am. "Are you crazy? Hindi basta restoran 'to, binata, at sa dami n'yong waiter dito, sa pagkain n'yo pa lang e baka hindi na maka-break even ang management!"

Oo nga naman, ayunan ng mga "maunawaing" bagon pasok. Tuusin mo naman kung bawat waiter e kakain ng fried chicken na nagkakahalaga ng sitenta'y singko pesos!

Binulungan si Julian ng isang datihan na: "Makakakain ka rin ng pagkain dito, h'wag kang mag-alala."

Kaagad din namang natuklasan niya ang ibig sabihin ng datihan, pagkaraang magsilbi sila sa isang luncheon meeting at ibalik nila sa kusina ang mga bandeha ng sobrang pagkain.

"Ayan," sabi ng datihan. "Bayad na 'yan. Pwede na nating kainin 'yan."

Pagkaraan ng unang pagkasaling ng amor propyo, naisip ni Julian na sila-sila na lang naman ang magkakaalaman ng kalagayan nila, ng pagbaba nila sa katayian ng mga aso, at hindi na sila dapat pang mahiya. Wala nang tagalabas pang makakaalam na tagakain lang sila ng tira.

Pero takpan muna ang pagkain, hindi pa oras ng ligaya. Baka mahuli ka ni Ma’am na ngumunguya, tatalsik ka sa trabaho. Alas dos pa ang break ng mga waiter, pag busog na ang lahat at mangisa-ngisa na lang ang nakikita mong kostumer.

Kung gano'n, lalong hindi wise na isnabin pa niya ang tira ng mga nagdaang parukyano dahil sa oras na 'yon, panis na ang lahat ng baon nila sa plastik!

"Kain na, Julian. Malinis naman ‘yan, sinerving spoon ‘yan."

"Saka ano ba’ng ipagseselan mo pa? mahal dito, mga turista’t mga big shot ang mga kumakain dito. Samakatwid, puro makwarta. Wala naman siguro sa kanilang may sakit. Kahit bad breath, wala naman siguro!"

Nang maglipat-buwan ay nauunawaan din ni Julian ang patakaran ng management sa pagpapasweldo ng mga waiter (nagtanung-tanong siya bunga ng pagtataka niya na mas mababa pa ang sweldo niya ngayon kaysa no’ng nakaraang kinsenas).

Lumalagay na meron palang takdang badyet ang hotel-restorang 'yon na pansweldo sa mga waiter, wala lang nakakaalam kung ilang libo sambuwan... isang takdang badyet na siyang pinaparte sa bilang ng mga tagapagsilbi. Kung nagkataon na maraming natawag na extra waiters dahil natatambakan sila ng kostumer, o nag-cater ang restoran sa maraming kasayahan at sa gano’n ay nakapag-empleyo ng maraming party waiters na sinuswelduhan na por ora, hindi kataka-taka na lumiit ang parte ng mga temporary waiters na tulad niya, mga waiter na walang takdang sweldo. Tumass-bumaba ang bilang ng tagapagsilbi’y hindi nagbabago ang badyet na pansweldo ng management.

Nagtataka lang si Julian. 'Di ba sa marangal na usapan, kung maraming kasayahan ang binalikat ng hotel-restorang pinapasukan niya, dumami man ang babayarang tagapagsilbi'y mas marami pa rin ang papanhik na tubo sa kaha? Ibig sabihin: sa bawat manok na lang, halimbawa, na pinuhunan ng kinse pesos at ipagbili ng sitenta’t singko pesos, tiyak lang na mas malaki ang tubi sa sanlibong manok kaysa sandaang manok lang. bakit sa tuos ng management ay mahihirapan ang cash register kung magdadagdag sa badyet na pansweldo?

Wala kang pakialam sa patakaran ng management, Julian. Magtanong ka kung gusto mo, para mawalan ka ng trabaho!

Julian, kasi, kawikaan nila: total, malaki naman daw ang nati-tip ng mga temporary?

O, e ba’t ‘yong mga regular, 'di ba malaki naman daw ang nati-tip?

Wala kang magagawa. Mga regular 'yon; malinaw ang usapan nila sa sweldo.

Tsk, tsk, sarap ng maging regular, ano?

Engot ka pala. Bakit, ninang mo ba si Ma'am? Baka 'kala mo, ganu'n-gano'n lang ang maging regular!

Ba't hindi? Matatapos na ang probation ko, a!

'Yon ang akala mo! Ang sabihin mo, ngayon ka nga dapat mag-ingat nang husto. Oras na nabutasan ka, talsik ka!

Ano? Bakit, wala naman akong ginagawang masama, a!

Kahit wala! Mahirap ka bang umintindi? Dito, nili-limit ang bilang ng regular. Ba’t kamo? Dahil lahat 'yan, obligadong bigyan na ng benefits! 'Yon ang ayaw na ayaw nila, 'yong magbibigay sila ng benefits!

W-wala akong ginagawang masama!

H'wag kang kasiguro, Julian. Madali nang sabihin na may ginawa kang masama!

"Ma'am?"

"You heard me, Julian. Pasensiya ka. Violator ka, e. sinabi ko na sen'yo ayokong nahuhuli na ngumunguya 'pag 'di oras ng pagkain!"

H'wag naman po, dasal ni Julian. Diyos ko, h'wag naman po. 'Pag nalaman to ni itay, hindi siya maniniwalang wala akong ginagawang kasalanan!

"Ang ayoko sa lahat, ‘yong mga taong hindi mapagkakatiwalaan!" malupit na sabi pa ni Ma’am at naramdaman niya ang latay ng mga salitang 'yon. "Hala, pirmahan mo ‘tong termination paper mo!"

Termination papers?

"Ma'am," natataranta, napaaawang sabi ni Julian, "patawarin n’yo na po ako. Kasi po, gutom na gutom na 'ko... hindi ko na po napigilan ang sarili ko!"

May alingawngaw sa pandinig ni Julian ang mga salita niya. Hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Gastadung-gastado na sa kanya ang mga salitang ‘yon at siya mismo, muntil na siyang natawa.

Pero ba't gano'n? Puro pagkain ang hawak nila'y ayaw silang pakainin. Ang gustong mangyari ng management, hangga’t hindi pa pumipitada ang alas-dos, aamuy-amoy lang muna sila. Kahit naglalamunan na ang mga bitkua nila sa gutom, aamuyin lang muna nila ang pagkain.

"Masyado n'yo naman kaming ginagawang kawawa," nakuhang sabihin ni Julian.

Tumaas pa an kilay ni Ma’am. "Ano kamo, pakiulit mo nga?"

"Ma'am, mag... g-gagawa na lang po ako ng resignation letter, ma'am."

Nang-uyam ang ngiting tinesting ni Ma’am ang talino niya: "Bakit anong kaibahan ng resignation letter sa termination paper?"

'Pag nag-aplay ako sa iba, Ma’am... ang lagay, termination paper ang ipakikita ko?

Lalo pang nang-uyam ang ngiti ni Ma’am. "P'wes, naaapektuhan ang reputasyon ng kompanya pag nagre-resign ang kanyang empleyado!"
Reputasyon, naisip ni Julian. Ako ba, walang reputasyon?

Talaga nga yatang wala nang katungkulang-moral ang tao sa kapwa tao niya, naisip pa niya. Panahon na nga yata ng mga kahayupan.

Naalala niya ang tatay niya at ang salita nito: "H'wag mo naman akong masyadong nakawan ng dangal..." at gusto niyang mapaiyak. Hindi lang naman ikaw ang nawawalan ng dangal, 'tay. Mas lalo na 'ko! 'Pag naaalala 'kong kumakain ako ng tira ng mayaman, nasusuklam ako sa sarili ko. Naiisip ko: mahirap nga tayo mula’t sapul, pero minsan man, hindi n’yo ako pinakain ng tira!

"Mahalaga ang oras ko, Julian. Pipirmahan mo ba 'yan o hindi? Kung ayaw mo, bahala ka. Pero hangga't hindi mo pinipirmahan 'yan, wala kang makukuhang sweldo maski pa 'no!"

Nagdilim ang isip ni Julian. Ang gulat ni Ma'am nang bigla niyang hablutinang mataas na kwelyo nito, hinatak niya ito palayo, dumiin ang mga daliri niya sa leeg nito, pumilipit, habang tumitindi ang pangangalit ng mga masel sa braso niya, ng mga ugat sa sariling leeg niya, kasabay ng pagtatangka ni Ma’am na makasigaw sa kabila ng disididong pagpiga niya hanggang huling hininga nito at sa pagkakatitig niya sa hilakbot na pagkakanganga nito, parang narinig din niya ang hilakbot ng tili ng kanyang ina.

Sa hukuman, isa lang katwirang sinabi ni Julian sa kasong pagpatay na iniharap sa kanya, kasama ng mahigpit na pag-iwas sa nanunumbat na mga mata ng tatay niya: Hindi ko po napigilan ang aking sarili!


Ang karugtong ng kwentong ito sa pananaw ni -Gel-O-Fury- Saavedra (sabihin na natin ito ang ika-apat na kwento ng buhay ni Julian):

Napatunayang may sala si Julian sa pagpatay sa kanyang Ma’am, kaya’t siya’y nakulong. Sa kulungan, dinanas ni Julian ang mala-impyernong buhay na karaniwan nang nakikita sa kasalukuyan. Magkahalong lungkot, galit at kawalan ng pag-asa ang nadarama ni Julian. Idagdag pa natin na nasasaktan siya ng kanyang mga kasama sa selda. Tuluyan na ngang nawalan ito ng pag-asa. Minsan, tumutulo ang luha nito dahil dito.

Bihira ring dumalaw ang kanyang ama at ina dahil, kung hindi ito nagtatrabaho, ay may sakit sila. Napabalita ring nabuntis niya si Aling Connie, ngunit ito’y nalaglag dahil sa matinding pambubugbog ni Mang Felix sa kanya. Namatay ang sanggol na anak ni Julian. At nang malaman niya ito, tuluyan nang nalumbay at nawalan ng pag-asa si Julian.

Hindi naglaon ang mga araw at buwan, habang nakayuko ang kanyang ulo at nakasandal ito sa rehas ng selda, may narinig siyang mga hakbang. May isang taong paparating sa kinaroroonan niya. Isang pulis ang dumating.

"Julian Candelabra!"

"Po?" sagot ni Julian.

"May gustong kumausap sa 'yo. Sumama ka sa amin."

Pinosasan si Julian matapos na palabasin siya ng selda. Habang inaalalayan siya ng mga pulis papunta sa lugar na hindi pa niya alam, nakayuko pa rin ang kanyang ulo. Tiningnan siya ng mga iba pang mga nakakulong, nagtatanong kung saan ito dadalhin.

Nakagisnan ni Julian na malapit sila sa isang kwarto na kung saan may malaking mesa at upuang may mahabang sandalan na nakatalikod. May taong nakaupo sa upuan, ngunit hindi niya maaninag kung sino ang nakaupo dahil sa laki ng sandalan na natatakpan ang itsura nito. Pinaupo si Julian sa isang simpleng upuan, hindi pa rin alam kung sino ang taong nasa kabilang upuan sa dulo ng mesa.

"Maaari na kayong umalis. Kami lang dalawa ang kailangang mag-usap dito." ang sabi ng taong hanggang ngayon ay hindi pa humaharap kay Julian.

Agad umalis ang mga pulis.

"Sino po kayo?" Tanong ni Julian matapos na umalis ang mga pulis sa kwarto.

Umikot ang upuan at lumantad ang taong nasa harapan niya. Isang taong simple lang ang pananamit. Ako iyon.

"Nabasa ko ang kwento ng buhay mo sa isang aklat pitong taon na ang nakakaraan. Hindi mo ako kilala. Isa akong kakatwang tao. Bihira akong lumabas, bihra akong magpakita."

"May maipaglilingkod ba ako sa inyo?" sabi ni Julian.

"Nang malaman ko ang kwento ng buhay mo, gusto kong itanong sa iyo ang mga bagay na hindi mo ninais mangyari, pero nagawa mo. Sabi mo, natukso ka?"

"Opo."

"Bakit hindi mo nilabanan ang tukso? Alam mo namang ito ang magpapahamak sa iyo."

"Hindi ko po alam. Nadala lang po ako ng aking damdamin." sagot ni Julian habang siya’y naluluha na naaalala ang mga ginawa niya kay Aling Sandra, Aling Connie at kay Ma’am.

"Lahat tayo'y nasasaktan dahil sa mga pangyayari sa ating buhay, ngunit ito ay isang pagsubok na kailangan nating labanan at minsan, palagpasin."

"Wala na po akong malalapitang tao sa labas. May nakakakilala sa akin, pero hindi nila ako gusting makasama o makausap."

Pinatong ko ang aking mga kamay sa mesa. "Alam mo ba kung bakit ka sinaktan ng tatay mo noong bata ka pa? Iyon ay upang matuto ka sa mga kamalian mo at hindi mo na gawin muli, ngunit hindi na niya kayang gawin iyon ngayon dahil wala na siyang kakayahan. Kung sa tingin mo ay ginawa nila iyon dahil galit sila sa iyo, oo, galit sila, pero mahal na mahal ka pa rin nila. Hanggang ngayon, kahit wala sila sa tabi mo, inaalala ka pa rin nila, kahit wala na silang kakayahan na makasama ka habang buhay sa kinaroroonan mo."

“Nahihiya nga po ako sa kanila eh. Hindi ko po alam ang gagawin ko.”

"May mga likas na kamalian na hindi na maaaring itama pa. Hindi mo na maibabalik pa ang respeto sa iyo ni Aling Sandra. Hindi mo na maaaring itago ang nangyari sa inyo ni Aling Connie kay Mang Felix, at higit sa lahat, hindi mo na mabubuhay pang muli si Ma’am. Ang tanging kaya mong gawin ay ituloy ang buhay at sana, hindi mo na gawin ang mga kamalian na iyon at hindi ka magpadala sa tukso na gawin ang mga masasamang mga bagay na iyon."

Nag-alangan si Julian, "Bakit n’yo po ito sinasabi sa akin?"

"Pakakawalan kita sa seldang kinagisnan mo upang makapagsimulang muli, upang mabuhay muli."

"Talaga po!?" sagot ni Julian na may kagalakan.

"Oo. At kahit gumastos ako ng malaki para makalaya ka, at kahit labag ito sa kalooban ko, gagawin ko. Dahil naniniwala ako na kaya mong magbago. May pag-asa kang mabuhay nang tama. Alam kong hindi mo na kayang ibalik pa ang nakaraan, kaya dapat mabuhay ka sa kasalukuyan."

Naluha si Julian sa narinig. "Salamat po!"

"Julian, mas maraming mga tukso ang darating sa buhay mo. Maraming napapanahong mga kasamaan ang lumalaganap sa ating lipunan. Gusto kong labanan mo ito ng iyong paninindigan sa kabutihan. Hindi mo rin masasabi na kapag ika’y natuksong muli na gumawa ng masama, makakaligtas ka. Labanan mo ang tukso, dahil kung hindi, maaaring ikamatay mo ito. Hindi mo na masasabi sa kahit kanino ang linya mong: 'Patawarin n’yo po ako. Hindi ko lang po napiligal ang sarili ko!' At hindi ako laging nandyan sa tabi mo."
Tumungo lang siya at nagsabi ng opo.

"Matuto ka sa mga kamalian mo at huwag mo nang gawin muli iyon."

Nagtanong si Julian, "Bakit n’yo po ito ginagawa sa akin?"

"Dahil alam kong kaya mong magbago. Kaya mong mabuhay ng may dangal." Pinirmahan ko ang mga papeles upang makalaya siya at ipinakita sa kanya, "Eto ang magpapatunay na malaya ka na, Julian Candelabra."

Lumundag sa tuwa ang nakalayang si Julian, ngunit lagi kong ipinaalala sa kanya ang mga sinabi ko tungkol sa tukso. Sinamahan ko siya papunta sa mga pulis, ipinakita ang mga papeles at nagbayad sa kanila at idineklarang malaya na si Julian.

Matapos noon, nag-impake na si Julian ng kanyang mga damit paalis sa selda niya. Nakita kong muli ang kanyang ngiti sa mukha niya, gaya ng inilarawan sa aklat namin noong ika-4 na taon sa mataas na paaralan. Nakita kong nanumbalik ang kanyang galak at tuwa.

Nang nakalabas na siya sa lugar na kung saan siya pinahirapan, nakita niya akong papaalis. Hinabol niya ako at sinabing, "Salamat po. Kahit hindi ko po kayo kilala, maaari bang malaman na lang ang pangalan ninyo?"

"Gel."

"Gel. Salamat po Gel. Hindi ko kayo makakalimutan."

At nakita niya akong papalayo sa kanya, lumalakad sa kalsadang wari’y lumalakad sa kawalan, at dala-dala ko ang pag-asang magbabago siya sa kanyang ikauunlad, at sinabi sa sarili ko: "Ituloy mo ang ika-apat at mga susunod mo pang mga kwento Julian. Hindi pa natatapos ang kwento ng buhay mo. Nawa’y maging maganda ang kalabasan ng mga buhay mo sa hinaharap."

Hindi man legal o opisyal ang karugtong ng kwentong niya, may maaari pang gumawa ng katuloy nito.

7 comments:

  1. I have read this story before way back in fourth year high school.

    ReplyDelete
  2. oh my god... my eyes...

    good read. but please please reconsider your layout and your font color choices. :( thanks!

    ReplyDelete
    Replies
    1. No need. This is my blog. If you don't like the layout, you can stop visiting this blog.

      Delete
    2. just want to ask. . .saan ang tagpuan ng kwento? :)

      Delete